Home OPINION RECTO, RESIGN!

RECTO, RESIGN!

393
0

“PAKIUSAP ko lang sa inyo, wag ninyo kami utusan.”

Sa likod ng “pakiusap” na ito ni dating Senador at ngayo’y Finance Secretary Ralph Recto, makikita ang isang gobyerno na nalalayo sa tunay na diwa ng pagseserbisyo sa bayan.

Sagot ito ni Recto sa panawagan ni Senator Bong Go na huwag galawin ang pondo ng PhilHealth na kung saan-saang proyekto napupunta.

Mantakin n’yo ba naman, nagbabayad buwan-buwan ang mga miyembro sa PhilHealth upang may magamit sa oras ng karamdaman.

Makatwiran naman ang panawagan ni Bong Go ngunit may pagkaarogante itong sinagot ni Recto. Bilang senador, si Go ay tinig ng taumbayan pero ang kanyang panawagan ay itinuturing ni Recto na pagkanti sa kanyang ego o yagbols. Anak ng tokwa!

Ang pera sa PhilHealth ay hindi lamang simpleng pondo na ipinagkatiwala ng taumbayan sa ahensya. Ngunit ang administrasyong ito ay namimihasa na galawin at ipamahagi sa kung saan-saan ang kabang yaman “kapag trip” ng mga nasa kapangyarihan.

Sa 2025 budget na ipinasok sa Kongreso, sinasabing ginamit ang pondo ng PhilHealth bilang dagdag sa general fund. Ito ay isang hakbang na hindi lamang labag sa layunin ng batas kundi insulto sa bawat Pilipinong nagtitiis maghulog buwan-buwan.

‘Yung pondo sa pagpapaospital, gamot, at benepisyo ay ipinantustos sa pamumulitika ng mga nasa poder.

Higit sa isyu ng pondo, mas masakit ang ipinakitang pagkaarogante ni Recto. Ito ay sumasalamin sa kultura ng kapangyarihang walang pakialam sa tawag ng tungkulin.

Ang naging tugon ni Recto kay Bong Go ay pagkalimot na ang lingkod-bayan ay utusan ng taumbayan at hindi hari ng kanyang ahensya.

Sa kanyang salita na “Wag ninyo kaming utusan”, wari ba na ang gobyerno ay pag-aari na ng iilan, at ang taumbayan ay walang karapatang manawagan.

Ngayon, maituturing nating trahedya ang pananatili ni Recto sa kanyang kasalukuyang posisyon. Wala siyang respeto sa tinig ng taumbayan na humihiling lang naman na huwag lustayin ang kanilang pondo.

Hindi kailanman pag-uutos ang panawagan para sa katapatan sa paglilingkod sa sambayanan.

Pero kung ayaw ni Recto na maging utusan, baka pwedeng umalis na lang siya sa pwesto. Nakahihiya naman po kasi sa inyo!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here