Home TOP STORIES Alegasyon ng korapsyon sa NAIA Upgrade Project, pinabulaanan ng NNIC

Alegasyon ng korapsyon sa NAIA Upgrade Project, pinabulaanan ng NNIC

271
0

MANILA, Philippines – Tiniyak ng New NAIA Infra Corp. (NNIC) na patuloy ang pagpapatupad ng modernisasyon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at hindi sila magpapadistrak sa mga paratang ng korapsyon na iniuugnay sa proyekto.

Sa isang pahayag, sinabi ni Lito Alvarez, general manager ng NNIC, na walang katotohanan ang mga akusasyon ng grupong Puso ng NAIA na umano’y “punô ng iskandalo at may bahid ng korapsyon” ang ₱1.5 trilyong kontrata na iginawad sa kumpanya.

Ayon sa grupo, wala umanong makabuluhang pagbabago sa paliparan at tanging “sobra-sobrang singil” sa mga pasahero ang naganap.

 “Nakakatawa ’yan,” tugon ni Alvarez, sabay bigyang-diin na nakapaglabas na ang NNIC ng ₱3.25 bilyon — bahagi ng ₱72 bilyong puhunan nito — para sa pagpapaganda ng pangunahing paliparan ng bansa.

Dagdag pa ni Alvarez, 283,771 flights na ang naasikaso ng NAIA, na nagdala ng 51.7 milyong pasahero sa loob ng isang taon — 2.9 milyon na mas mataas kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Itinanggi rin ni Alvarez ang alegasyon ng grupo na ang Public-Private Partnership (PPP) arrangement ay “inihabi para paboran” ang San Miguel Corporation (SMC) at ang pangulo at CEO nitong si Ramon S. Ang.

 “Idinaan ng Department of Transportation (DOTr) sa kompetitibong bidding ang proyekto, hindi sa negosasyon,” paliwanag ni Alvarez.

Nilinaw pa niya na ang mga tuntunin ng bidding ay itinakda ng pamahalaan, hindi ng mga bidder, at minonitor ng Asian Development Bank (ADB) at ng PPP Center mula sa simula hanggang sa aktwal na pag-award ng proyekto.

Nakuha ng SMC ang proyekto matapos mag-alok na ibigay sa gobyerno ang 82.16% ng kita ng NAIA — ang pinakamataas na alok sa lahat ng bidder — bukod pa sa pagkatugon nito sa lahat ng teknikal at pinansyal na pamantayan.

Ang NNIC, na nilikha ng SMC, ang siyang nagpapatupad ng modernisasyon ng NAIA.

Kaugnay nito, tugon ni Alvarez sa alegasyong “ginagatasan” umano ng NNIC ang NAIA para sa SMC:

“Sa loob ng mahigit isang taon, nakapagremit na kami ng mahigit ₱52 bilyon sa gobyerno, kabilang ang ₱30 bilyong paunang bayad.”

Sa ilalim ng kasunduan, 82.16% ng kita ng NAIA ay napupunta sa gobyerno, habang 17.84% lamang ang natitira sa NNIC upang pondohan ang ₱1.5 trilyong proyekto. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here