MANILA, Philippines – Nagtungo sa National Bureau of Investigation (NBI) nitong Martes ang mga animal welfare organization upang humingi ng hustisya kaugnay ng umano’y pagtatapon ng mga patay na aso at pusa ng Ahjay Paws Aftercare Pet Crematorium.
Ayon sa Philippine Animal Welfare Society (PAWS), kasama nito sa pagpunta sa NBI headquarters ang ilang pet owners na pangunahing complainant sa kaso at mga kinatawan ng Animal Kingdom Foundation (AKF).
“Paws is currently at the National Bureau of Investigation Headquarters, coordinating with the Environmental Crime Division,” pahayag ng organisasyon.
Naganap ang pagpunta ng grupo matapos ipahayag ng NBI na magsasagawa ito ng masusing imbestigasyon sa mga insidenteng kinasasangkutan ng Ahjay Paws Aftercare Pet Crematorium sa Bacoor City, Cavite.
Nagsimula ang imbestigasyon matapos madiskubre ang 29 na bangkay ng mga aso at pusa na umano’y itinapon sa isang bakanteng lote sa San Jose del Monte, Bulacan. RNT/MDS