Home NATIONWIDE BARMM peacekeeping force kinilala ng OPAPRU

BARMM peacekeeping force kinilala ng OPAPRU

283
0

MANILA, Philippines – Pinarangalan ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) ang isang composite unit na binubuo ng dating mga rebelde, sundalo, at pulis dahil sa kanilang mahalagang ambag sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Iginawad ni Presidential Peace Adviser Carlito Galvez Jr. sa mga miyembro ng Joint Peace and Security Teams (JPSTs) ang “Gawad sa Kaunlaran” at “Medalya ng Papuri” sa pagdiriwang ng ika-38 anibersaryo ng 6th Infantry Division ng Philippine Army nitong Oktubre 24.

Ang JPSTs ay binubuo ng mga kasapi ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), at Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF), ang dating armadong grupo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Itinalaga sila sa dating mga kuta ng MILF upang panatilihin ang kaayusan at katahimikan sa mga komunidad.

Mula nang mailunsad noong 2021 bilang bahagi ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB), kinilala na rin ang JPSTs sa kanilang peacebuilding initiatives, na nagpatunay na kayang magtagumpay ang joint security mechanisms sa pagpapatibay ng kapayapaan.

“The JPSTs represent one of the most significant, unique, and symbolic achievements under the Comprehensive Agreement on the Bangsamoro and the Bangsamoro peace process,” pahayag ni Galvez.

Dagdag pa niya, ang pagkilalang ito ay pagpapatunay sa kanilang dedikasyon sa pangmatagalang kapayapaan at normalisasyon sa dating mga lugar na may armadong tunggalian.

Samantala, sinabi ni BARMM Interim Chief Minister Abdulraof Macacua na ang pagtutulungan ng AFP, PNP, at MILF-BIAF ay patunay ng kanilang matatag na paninindigan sa kapayapaan na dapat pang paigtingin.

Pinuri rin nina Maj. Gen. Donald Gumiran, commander ng 6th Infantry Division, at Lt. Gen. Antonio Nafarrete, hepe ng Philippine Army, ang sakripisyo at kooperasyon ng mga JPST members at mga lokal na lider sa pagtataguyod ng katahimikan sa rehiyon. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here