Home NATIONWIDE 66 Pinoy kabilang sa higit 1K biktimang napalaya mula sa Myanmar...

66 Pinoy kabilang sa higit 1K biktimang napalaya mula sa Myanmar scam hubs

249
0

MANILA, Philippines – Nasa 1,049 indibidwal mula sa iba’t ibang bansa, kabilang ang 66 Filipino ang matagumpay na nakatawid sa Myanmar-Thailand border matapos makatakas sa KK Park scam compound sa Myawaddy Township, Myanmar.

Ang pagtakas ay naganap kasabay ng nagpapatuloy na rescue operations na inilunsad ng Myanmar military laban sa mga scam hub na pinatatakbo ng Chinese mafia networks.

Karamihan sa mga nasagip o nakatakas na human trafficking victims (HTVs), partikular ang mga Filipino, ay tinulungan ng armed groups katulad ng Democratic Karen Benevolent Army (DKBA) at Border Guard Force (BGF), at ang iba ay itinurn-over sa Karen National Union (KNU) bago tumawid sa Moei River patungo sa Mae Sot District, isang Thai border town.

Sa report, ang grupo ay binubuo ng 913 lalaki at 136 babae mula sa 26 na bansa kabilang ang India (399), China (147), Vietnam (138), Ethiopia (94), the Philippines (66), Pakistan (43), Thailand (31), at Indonesia (27).

Sa mga nakapasok sa Thailand, dalawa ang kasalukuyang naka-detain sa Mae Sot Police Station, 200 sa Border Patrol Police Unit 346, 593 sa Thai–Myanmar Friendship Bridge No. 2, habang ang 254 iba pa ay kasalukuyan pa ring bumibiyahe.

Ayon sa mga awtoridad, ang lahat ng nasagip ay sasailalim sa National Referral Mechanism (NRM) process upang tukuyin kung sila ay mga biktima ng human trafficking o kasabwat sa illegal na aktibidad.

Matatandaan na noong Biyernes ng gabi, Oktubre 24 ay nagsimula na ang Myanmar military na bombahin ang ilang gusali na ginagamit bilang scam center sa KK Park.

Sa kaparehong panahon ay napaulat din na pinutol ng SpaceX, kompanyang pagmamay-ari ni Elon Musk, ang serbisyo ng mahigit 2,500 Starlink devices na ginagamit ng mga sindikato sa loob ng scam hub. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here