Bulacan – Arestado ang 22 anyos na lalaking sangkot umano sa ilegal na paggawa ng paputok sa bayan ng Bocaue nitong Oktubre 27.
Sa ulat ni PLTCOL Virgilio Ramirez, hepe ng Bocaue Police Station, kinilala ang suspek na si alyas Jon Jon, residente ng Brgy. Binang 1st.
Ayon sa ulat, nangyari ang pag-aresto sa kasagsagan ng paggawa ng ilegal na paputok na baby rocket ng suspek bandang 4:30 ng umaga sa Sitio Bihunan, Brgy. Biñang 1st.
Nakumpiska sa suspek ang 23 kilong potassium chlorate, cylinder na bahagi ng baby rocket, at hindi matukoy na dami ng finished product.
Sinasabing ang operasyon ng pulisya ay bunga ng impormasyon mula sa isang concerned citizen na nagsabing ang suspek ay gumagawa ng baby rocket na walang kaukulang lisensya o permit sa PNP Firearms and Explosives Office.
Nahaharap ang suspek sa kaukulang kaso habang ang mga nakumpiskang ilegal na paputok ay dinala sa istasyon para sa tamang proseso at legal na aksyon.