MANILA, Philippines — Binabantayan ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mga online job postings matapos humingi ng tulong ang mahigit 200 Pilipino na na-recruit sa scam hubs sa Myanmar para maipauwi.
Sa ngayon, minomonitor ng DMW ang mga postings ng package tours at umano’y job opportunities sa Thailand, Cambodia, Laos, at Myanmar.
Umabot na sa 17,000 na posts ang tinanggal ng mga awtoridad na may kaugnayan sa illegal recruitment at pekeng trabaho sa social media.
Nakikipag-ugnayan ang DMW sa Department of Information and Communications Technology at mga social media platform gaya ng Facebook at TikTok, at nagsampa rin ng kaso laban sa mga ilegal na recruiter.
Pinayuhan ng ahensya ang mga nagnanais magtrabaho sa ibang bansa na maging maingat, dahil may ilan umanong recruiter na dinadala muna ang mga biktima sa ibang lugar o bansa bago sa totoong destinasyon ng trabaho.
Binalaan din ang publiko laban sa mga recruiter na hindi awtorisado ng DMW. Dave Baluyot