MANILA, Philippines — Ipinaliwanag ni Assistant Ombudsman Mico Clavano na ang panawagan ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla sa 204 na last-minute hires at promotions ng kanyang predecessor na magsumite ng courtesy resignation ay hindi paghihiganti kundi pagpapakita ng katapatan sa opisina, hindi sa isang tao lamang.
Ang Memorandum Circular 3 ni Remulla ay hinihikayat ang mga bagong-hire at na-promote mula Salary Grade 25 hanggang 29, na naitalaga sa huling tatlong buwan ng termino ni Martires, na magsumite ng kanilang courtesy resignation.
“Ang gusto lang talaga ni Ombudsman is to start on the right foot. Ngayon, pagpasok po kasi ni Ombudsman, nakita po niya through the CSC na may uptick ng appointments na ginawa ng previous administration very near the end ng kanyang term,” ani Clavano.
Ilang empleyado na ang sumunod, ngunit may ilan din na nagtatangkang humanap ng suporta para hindi magsumite. Binigyan sila ng pagkakataong magsumite bilang pagpapakita ng good faith.
“Dahil pag wala naman po tayong tinatago sa procedure kung paano sila na-hire o na-promote, then there’s really nothing to worry about. Gusto lang natin makita na willing silang magbigay ng full trust sa new administration at specifically sa Ombudsman mismo,” dagdag niya.
Nilinaw ni Clavano na ang panawagang ito ay hindi para insultuhin ang mga empleyado o i-invalidate ang kanilang appointments, kundi isang paraan ng pagpapakita ng loyalty sa opisina.
Tungkol sa mga hindi magsusumite, sinabi niya, “Well, we will cross the bridge when we get there.” Santi Celario