MANILA, Philippines – Pinirmahan na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang batas na magtatatag ng Lifelong Learning Development Framework (LLDF), na may layuning i-promote ang universal literacy at paghusayin ang access sa dekalidad na edukasyon.
Sa ilalim ng Republic Act (RA) 12313, tinintahan ni Pangulong Marcos nito lamang Oct. 23, ang LLDF ay magsisilbi bilang isang blueprint para sa pagsusulong at pagpo-promote ng lifelong learning programs sa iba’t ibang lungsod, munisipalidad, barangay at learning providers.
Nakasaad sa batas na kailangang i-promote ng LLDF ang functional literacy sa lahat ng antas sa lipunan at inclusive learning sa educational system, at maging ang muling pasiglahin ang karunungan sa pamilya at komunidad.
“The framework must also facilitate learning for and in the workplace; extend the use of modern learning technologies; enhance the quality of learning; and foster a culture of learning throughout life,” ayon sa RA 12313.
Itinatag din ng RA 12313 ang inter-sectoral coordination mechanisms para isama ang governmental at non-governmental organizations at pribadong sektor sa pagtatayo ng learning cities, municipalities, o villages’ para hikayatin at palakasin ang ‘resource mobilization and utilization.’
Kabilang din sa bagong batas ang mga Kalihim ng Department of the Interior and Local Government at Department of Trade and Industry bilang karagdagang miyembro ng Philippine Qualifications Framework- National Coordinating Council (PQF-NCC).
Pinalawak naman ang mandato ng PQF-NCC, pinahintulutan ito na bumalangkas, magpatupad, magrebisa at amiyendahan ang LLDF; bumalangkas ng master plan o promosyon ng lifelong learning; at i- monitor at suriin ang master plan at makipagtulungan sa local government units (LGUs) sa mandatory implementation nito.
Kailangan din na isama ng council sa annual report nito sa Office of the President, Senado ng Pilipinas, Mababang Kapulungan ng Kongreso ang progreso at accomplishments nito na may kaugnayan sa LLDF.
Sa loob ng anim na buwan mula sa pagiging epektibo ng RA 12313, ang PQF-NCC ay inaatasan na bumalangkas ng national master plan para i- promote ang lifelong learning na nakaayon sa at nakasuporta sa layunin at prayoridad ng Philippine Development Plan.
“The master plan shall serve as a strategic blueprint for the promotion of lifelong learning and the establishment of learning cities, municipalities, or barangays across the country,” ang mababasa sa batas, sabay sabing ang master plan ay dapat na nirerebisa kada limang taon upang matiyak na nakaayon ito sa nag-eebolusyon na layunin ng national development at pangangailangan ng mga stakeholder.
Inaatasan naman ng RA 12313 ang mga itatalagang pinuno ng LGUs sa learning cities, municipalities, or villages na gabayan at suportahan ang mga aktibidad para sa promosyon ng lifelong learning, maging ito man ay sinimulan ng mga ito o ng lifelong learning provider.
Ang mga pinuno ng learning providers na nag-aalok ng lifelong learning ay may mandato na magsumite ng annual report sa tamang ahensiya ng gobyerno na may hurisdiksyon sa kanila, nagdedetalye sa mga inaalok na mga programa, bilang ng mga attendees, at iba pang kaugnay na data para i-assess ang tagumpay ng lifelong learning program.
Ang kopya ng RA 12313 ay isinapubliko, araw ng Miyerkules. (KRIS JOSE)