Home NATIONWIDE Lahar mula Kanlaon, ibinabala sa pananalasa ni Tino

Lahar mula Kanlaon, ibinabala sa pananalasa ni Tino

301
0
Photo by MJGuardz

MANILA, Philippines – Nagbabala ang PHIVOLCS sa mga residente malapit sa Bulkang Kanlaon sa posibleng pagdaloy ng lahar dulot ng malalakas na ulan mula kay Bagyong Tino.

“Ang matagal at malakas na pag-ulan ay maaaring magdulot ng channel-confined post-eruption lahars at sediment-laden streamflows sa mga pangunahing kanal sa timog at kanlurang dalisdis ng Bulkang Kanlaon,” ayon sa PHIVOLCS.

Maaaring maapektuhan lalo ang Tamburong/Ibid Creek sa Biak-na-Bato at Baji-Baji Falls at Talaptapan Creek sa Cabacungan, La Castellana, Negros Occidental.

Hinimok ang mga komunidad sa kahabaan ng mga kanal na maging handa sa paglikas at umiwas sa pagtawid sa mga apektadong ilog, kahit pa sa mga lugar na malayo sa bulkan.

Ayon sa ahensya, nabubuo ang lahar kapag ang ulan ay humuhugot ng maluwag na materyales mula sa pagputok noong Oktubre 24 o sa kamakailang ashfall.

Nanatiling nasa Alert Level 2 ang Kanlaon, kaya ipinagbabawal ang pagpasok sa apat na kilometro Permanent Danger Zone at ang paglipad ng eroplano malapit sa bulkan. Ilang lugar sa Negros Island ay nasa ilalim ng Signal No. 2 at 3 dahil sa bagyo. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here