MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Environment and Natural Resources–Environmental Management Bureau (DENR-EMB), obligadong magbayad ng kompensasyon ang Universal Robina Corporation (URC) sa mga mangingisda sa Bais Bay at Manjuyod, Negros Oriental, at ayusin ang nasirang marine areas sa Tañon Strait Protected Seascape (TSPS) matapos ang pagtagas ng molasses wastewater.
Tinatayang 255,000 cubic meters ng molasses wastewater ang tumagas noong Oktubre 26, 2025 matapos masira ang 15-metrong bahagi ng dike ng lagoon ng URC, na nakaapekto sa halos 3,000 mangingisda na hindi makapangisda habang nakikita pa ang polusyon.
Binigyang-diin ng DENR-EMB na ayon sa Environmental Compliance Certificate (ECC) ng URC, obligadong bayaran ang compensation para sa pinsalang pangkapaligiran at sa mga stakeholder, hiwalay sa mga multa sa ilalim ng Clean Water Act, na maaaring umabot sa PHP500,000 kada araw.
Huminto na sa operasyon ang URC, naayos na ang halos 90% ng nasirang lagoon pond, at nakikipagkoordina sa DENR, lokal na pamahalaan, at Philippine Coast Guard para sa cleanup at rehabilitasyon, kasama ang Silliman University sa pag-assess ng epekto sa kalikasan.
Idineklara rin ng Bais City ang state of calamity, at ipinatigil ang pangingisda, swimming, at tourism activities. Santi Celario