PANGASINAN – Kamatayan ang sinapit ng isang 69-anyos na lalaki matapos mabangga ng motorsiklo sa McArthur Highway sa Brgy. Sumabnit, Binalonan, Pangasinan.
Ayon sa pulisya, ang namatay na matanda ay isang biyudo at residente ng naturang lugar, samantalang ang 25-anyos na driver ng kulay itim na Euro 150 na nakabangga sa pedestrian ay residente ng Laoac, Pangasinan.
Base sa imbestigasyon, ang motorsiklo ay bumibiyahe sa southbound lane ng McArthur Highway papuntang Urdaneta City.
Pagdating sa pinangyarihan ng insidente, biglang tumakbo ang matanda patawid sa highway kaya aksidenteng nabangga ng motorsiklo.
Dahil dito, ang pedestrian at ang motorsiklo ay parehong natumba sa kalsada.
Agad na isinugod sa Urdaneta District Hospital ang driver ng motorsiklo at ang pedestrian dahil sa mga tinamong sugat.
Gayunman, ang pedestrian ay idineklarang dead on arrival ng umatending doktor. Rolando S. Gamoso