Manila, Philippines — After almost eight years, muling nasilayan ng aking mga tantalizing eyes ang original tall, dark, at super handsome na aktor na si Richard Gomez.
In fairness, gwapo pa rin at tipong hindi tumatanda ang aktor — sa true lang!
Sayang at nagkasalubong man kami ni Richard, hindi ko pa rin siya nakadaupang-palad dahil super tingin si yours truly sa dinadaanan at mahirap nang madapa.
Narinig ko na lang na sabi ni Richard, “Si Mercy hindi yata ako nakilala?”
Isa lang ang masasabi ni yours truly sa sinabi ni Richard: “Sino ba naman ang hindi makakakilala sa bida ng ‘Palibhasa Lalake’ at sa unang naging model ng Bench na super gwapo, ‘di ba naman?”
Anyway, naging emosyonal ang congressman ng ikaapat na distrito ng Leyte na si Cong. Richard nang muling humarap sa media para sa promotion ng kanyang pelikulang “Salvageland.”
Sey ni Richard, “Na-miss ko talaga kayo. Naiiyak ako. Na-miss ko lang kayo.
“Siyempre ang tagal kong artista, ‘di ba? Masarap bumalik sa home turf.
“Same with you guys, ang tagal kong nakatrabaho, and then I’ve seen you again — it’s wonderful.”
Isa-isa ring binanggit ni Richard ang mga showbiz writer na nakita niya sa event tulad nina Aster Amoyo, Pilar Mateo, at siyempre pa, hindi rin nakalimutan ni Richard na banggitin ang name ni yours truly.
Natanong sa panayam si Richard kung saan siya mas masaya — sa pag-aartista ba o sa politika?
Saad ni Richard, “Masarap, masaya sa pelikula. Actually, sa politics, masaya lang ‘yung politics kapag nandoon ka sa district mo kasi you’re able to bring projects, nadadala mo ‘yung mga programs para sa mga tao. Pero in Congress, okay lang. It’s like school, pero iba kapag nasa bahay ka.
“Dito naman sa showbiz, nami-miss ko ‘yung mga tsika-tsika. Oo talaga, it’s nice to be with you guys.”
Taong 2018 pa huling gumawa ng pelikula si Richard — kasama sina Sharon Cuneta at Kathryn Bernardo sa “Three Words to Forever.”
Ngayon, nagbabalik siya sa big screen sa pamamagitan ng “Salvageland,” na pinagbibidahan nila ni Elijah Canlas.
Kasama rin sa pelikula sina Mon Confiado, Cindy Miranda, McCoy de Leon, at Angela Morena, sa direksyon ni Lino S. Cayetano.
Ibinulgar ni Richard na nahirapan siyang mag-memorize ng kanyang mga linya para sa Salvageland dahil matagal na panahon na ang nakalipas mula nang huli siyang umarte sa Three Words to Forever.
Kuwento ni Richard, “In fact, ‘yung first two days ko, sabi ko kay Pia — ‘yung manager ko — ‘Pia, kailangan kong mag-warm up kasi ang tagal kong hindi nag-artista.’
“Alam mo ‘yung trabaho namin, we memorize pages and pages of lines, and I haven’t done that in a long time.
“So ‘yung first two days ko, parang hirap na hirap akong mag-memorize. Until nakuha ko uli ‘yung routine.
“I really have to go through the whole script, then re-read, re-read. Then I was acting alone. I was doing my lines. Okay naman.
“My character is a policeman about to retire. Dalawa ‘yung istorya namin dito, actually. Anak ko si Elijah — siya naman ‘yung budding policeman.”
Dagdag pa ni Richard, “Pag kausap ko si Elijah, parang si Juliana lang ang kausap ko kasi same age sila.”
In fairness, maganda ang trailer ng Salvageland at ng mga lugar kung saan nag-shoot ang movie na ipalalabas sa mga sinehan simula Nobyembre 26, 2025.