MANILA, Philippines – Umakyat na sa 52 ang bilang ng nasawi dahil sa bagyong Tino (international name: Kalmaegi), ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Miyerkoles.
Sa tala ng NDRRMC, 50 sa mga nasawi ay mula sa Central Visayas, habang dalawa ay mula sa Western Visayas.
“May natabunan po. May nahulugan po ng hard objects. At marami po ang nalunod,” ani Office of Civil Defense director Joel Erestain.
Dagdag pa niya, 48 ang nasawi sa Cebu Province at isa sa Bohol.
“Ang na-evacuate kasi is ‘yung mga low-lying areas. Hindi natin akalain ‘yung flash floods medyo mataas-taas talaga,” paliwanag ni Erestain, na nagsabing marami ang natangay ng rumaragasang tubig.
Naitala rin ang 13 nawawala at 10 sugatan, ayon sa NDRRMC. Umabot sa 706,549 katao o 203,595 pamilya ang apektado sa Mimaropa, Bicol, Western Visayas, Negros Island, Central Visayas, at Caraga, kung saan halos 348,000 katao ang nananatili sa mga evacuation center.
Nagdulot din ang bagyo ng pagbaha at pagguho ng lupa, nasira ang 16 bahay, at 15 kalsada ang hindi madaanan. Mayroon pang power interruption sa 50 lugar, habang naibalik na ang komunikasyon sa pito.
Naging limitado rin ang operasyon sa 154 pantalan, dahilan upang ma-stranded ang halos 4,000 pasahero. Suspendido ang klase sa 593 lugar at trabaho sa 406 lugar, habang idineklara ang state of calamity sa buong lalawigan ng Cebu.
Nakapagbigay na ang pamahalaan ng ₱31.16 milyon na tulong sa mga naapektuhan. Ayon sa PAGASA, huling namataan si Tino sa karagatang sakop ng Linapacan, Palawan ngayong Miyerkoles ng umaga. Santi Celario