MANILA, Philippines – Pinayuhan ng Department of Tourism (DOT) ang publiko na ipagpaliban ang hindi kailangang paglalakbay sa mga lugar na apektado ng Bagyong Tino (Kalmaegi) at iwasan ang baybayin at mga daan sa kabundukan dahil sa malakas na ulan, hangin, at mataas na alon sa Visayas at Mindanao.
Ayon sa DOT, isinasagawa ang onsite assessments upang matiyak ang kaligtasan ng mga destinasyon, hotel, at iba pang pasilidad. Hanggang Martes ng gabi, walang ulat ng malubhang pinsala sa tourism facilities. Ang 81 turista sa Northern Mindanao na na-stranded ay nabigyan ng tulong at ligtas na.
“Patuloy na binabantayan ng DOT ang epekto ng Bagyong Tino,” ayon sa ahensya, habang pinapayuhan ang mga turista sa apektadong lugar na manatili sa ligtas na akomodasyon at sundin ang mga tagubilin ng kanilang hotel at lokal na awtoridad. Pansamantalang sinuspinde ang paglalayag sa dagat at ilang flights ang kinansela bilang precaution.
Para sa tulong, maaaring tawagan ang DOT Tourist Assistance Call Center sa 151-TOUR (151-8687) o 0954-253-3215. Dave Baluyot