MANILA, Philippines – Nasamsam ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang P584.28 milyon halaga ng ilegal na droga at naaresto ang 112 katao sa linggong operasyon mula Oktubre 24 hanggang 31, 2025.
Ayon kay PDEA Director General Isagani Nerez, sa 81 operasyon, nakumpiska ang 84,099.63 gramo ng shabu, 1,899 ml ng liquid cocaine, at marijuana na may kabuuang 58,350 halaman, 18,100 punla, at 92.3 gramo ng tuyong dahon.
Kabilang sa mga naaresto ang 68 na tulak, 24 kliyente, 10 may-ari ng drug den, apat na empleyado, apat na nagmamay-ari, at dalawang courier, at haharap sa kaso ayon sa RA 9165.
Sa joint operation ng PNP noong Nob. 3, nasamsam ang 24,003.7 gramo ng sinasabing cocaine na nagkakahalaga ng PHP127.2 milyon sa Palawan. Iniimbestigahan na rin ng awtoridad ang pinagmulan at destinasyon ng droga.
“Pinapalakas namin ang pakikipagtulungan ng PDEA at iba pang ahensya para masiguro na walang lugar ang ilegal na droga sa ating komunidad,” ayon kay Lt. Gen. Edgar Alan Okubo, PNP Deputy Chief for Operations. Dave Baluyot