NOONG ika-15 ng Oktubre 2025, pinangunahan ni Labor Secretary Bienvenido E. Laguesma ang pagdiriwang ng 25th National PESO Congress sa Tagaytay City.
Lumagda ang DOLE sa isang Memorandum of Agreement (MOA) kasama ang Department of Education (DepEd), Department of Science and Technology (DOST), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Professional Regulation Commission (PRC), Commission on Higher Education (CHED), PESOMAP, at Federation of Career Guidance Advocates Network of the Philippines, Inc. (FCGANP), alinsunod sa layunin ng administrasyong Marcos Jr., na tugunan ang hindi pagkakatugma ng kasanayan sa trabaho para sa pagpapatupad ng Career Development Support Program (CDSP).
Layunin ng CDSP na magbigay ng career guidance at support services, gamit ang napapanahong labor market information upang tugunan ang mga kakulangan sa kakayahan sa pagtatrabaho, tulad ng job search skills, personal and environmental factors, at industry-specific skills shortages, sa pamamagitan ng pagtatatag ng Career Development Support Program–Working Group na magsisilbing tagapangasiwa.
Itinampok sa ikalawang araw ng Kongreso ang plenary session na idinisenyo upang matulungan ang mga PESO at JPO na higit na maunawaan ang mga kasalukuyang direksyon ng polisiya, mga pagbabago sa batas, at itinalagang mandato ng institusyon; pagbuo ng mga magkakaugnay na estratehiya; at pagbabahagi ng mga pinakamahusay na kasanayan sa pangangasiwa ng trabaho.
Kabilang sa mga tinalakay ang papel ng PESO sa pagpapatupad ng Trabaho Para sa Bayan Act, mga pandaigdigang inobasyon sa mga serbisyong pantrabaho sa publiko, pagsusulong ng inklusibong trabaho para sa mga taong may kapansanan, at pagpapatupad at pamamahala ng AI sa mga serbisyong pantrabaho sa publiko.
Sinasalamin ang mensahe ng Pangulo na ang tunay na lakas ng bansa ay nasa mamamayan nito, binigyang-diin ni Assistant Secretary for Employment and Human Resource Development Joel M. Gonzales ang pangangailangan para sa magkakaugnay, at maayos na estratehiya sa pamamahala ng paggawa upang matiyak na epektibong natutugunan ng lakas-paggawa ng bansa ang umuunlad na pangangailangan ng mga employer.
“Ang mga sesyon na ito ay nagbigay sa atin ng direksyon kung saan patungo ang ating mga serbisyo sa pangangasiwa ng trabaho upang ating matiyak na tumutugon ito sa pangangailangan ng mga manggagawa at iba pang aspetong panlipunan na nagtutulak ng pagbabago,” wika ni Assistant Secretary Gonzales.
Samantala, nanumpa sa harap ni Secretary Laguesma ang mga bagong halal na opisyal ng PESO Managers Association of the Philippines, Inc., na pinangunahan ni President-elect Romualdo Garcia mula sa Region IV-A. Sa ilalim ng bagong pamumuno, patuloy na isusulong ng PESOMAP ang pangangasiwa ng trabaho at serbisyo sa merkado ng paggawa sa buong bansa.
Humigit-kumulang 1,600 kalahok, kabilang ang mga manager at staff ng PESO at JPO, mga opisyal ng lokal na pamahalaan, career guidance advocates, gayundin ang mga regional implementer ng DOLE, ang nakibahagi sa 2025 National PESO Congress na inorganisa ng DOLE sa pamamagitan ng Bureau of Local Employment, sa pakikipagtulungan ng PESOMAP at DOLE CALABARZON bilang host ngayong taon.
Ang kaganapan na may temang, “PESO: Dalawampu’t limang taon ng matatag at maayos na paglilingkod tungo sa Bagong Pilipinas,” ay nagmarka rin sa ika-25 anibersaryo ng Republic Act No. 8759, na kilala rin bilang PESO Act of 1999.






