NAGIGING masalimuot na ang usapin sa kontrobersiyang kinasasangkutan ni dating Ako Bicol Partylist Representative Zaldy Co.
Sa gitna ng mga akusasyon ng korapsyon at anomalya sa flood control projects, tila nababalot ng pagdududa at maling impormasyon ang pangalan ng dating kongresista.
Kaya naman humarap na sa mga mamamahayag itong abogado ni Co na si Atty. Ruy Rondain upang ituwid ang mga kumakalat na isyu.
Sa press conference, iginiit ni Rondain na walang basehan ang mga alegasyon laban sa kanyang kliyente. “How can properties acquired before being a congressman be illegal?” tanong ng abogado, kaugnay sa tatlong eroplano at chopper na isinasangkot kay Co.
Nilinaw ng abogado na mga mga sasakyang panghimpapawid ay pag-aari ng Misibis Aviation, kompanyang itinatag pa noong 2004 — labinlimang taon bago naging kongresista si Co noong 2019.
Higit pa rito, binigyang-diin ni Rondain na wala pang kasong isinampa laban sa dating kongresista. “Papaano ka sasagot sa isang bagay na wala pang kasong nakasampa?”
Ang mga alegasyon ay pawang “under oath statements” lamang — ngunit walang sapat na dokumento o ebidensiya para patunayan.
Ayon sa abogado, “the narrative has been twisted because of misinformation.” Lumalabas umano na malinaw na may orchestrated effort para siraan si Co sa mata ng publiko.
Maging ang SALN (Statement of Assets, Liabilities and Net Worth) ni Co ay ginawang sentro ng kontrobersya, gayong malinaw na ito ay naipasa at nakatala sa Office of the Ombudsman, na siyang tagapangalaga ng lahat ng SALN simula pa noong panahon ni Arroyo.
Sa unang taon pa lang bilang kongresista, idineklara na ni Co ang mahigit ₱4.1 bilyon niyang yaman — may kalakip na dokumentong sumusuporta rito. Kung gayon, saan nag-uugat ang panghuhusga?
Ang tanong ngayon: bakit tila mas mabilis ang paghusga kaysa sa imbestigasyon? Kung totoo ang banta sa buhay ni Co, sino ang may interes na patahimikin siya?
Sa haba ng imbestigasyon, wala pa ring malinaw na resulta, walang napapanagot — tanging pangalan lang ang nadungisan.
Bago tayo magpataw ng hatol, marapat lamang na pagtuunan ng pansin ng gobyerno kung sino talaga ang may sala. Baka sa bandang huli, ang mga tunay na dapat managot ay siya ring mga pinakamalakas mag-ingay.






