MANILA, Philippines – Binisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Munisipalidad ng Liloan, Cebu, noong Biyernes, upang personal na pangasiwaan ang relief and recovery operations kasunod ng pananalasa ng Bagyong Tino.
Kabilang ang Liloan sa mga lugar na itinuturing na “most severely affected” ng bagyo, na nagdulot ng maraming nasawi at malawakang pinsala.
Binisita ng Pangulo ang Tiltilon Elementary School sa Barangay Cotcot, na kasalukuyang nagsisilbing evacuation center para sa 126 pamilya o 509 indibidwal.
Sa kanyang pagbisita, namahagi si Pangulong Marcos ng family food packs, health kits, hygiene kits, at sleeping kits mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD). Nagbigay din ang DSWD ng hot meals sa mga bakwit na nananatili sa paaralan.
Upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga evacuee, nagsagawa ang Department of Health (DOH)-Central Visayas ng mabilis na health assessment sa evacuation center.
Ayon kay DOH-Central Visayas Development Management Officer Rolly Villarin, nagbigay ang DOH ng libreng medical consultations at mga mahahalagang gamot tulad ng antibiotics, doxycycline para sa leptospirosis prevention, at anti-tetanus vaccines para sa mga indibidwal na may sugat.
Idinagdag pa niya na isinasagawa rin ang routine vaccinations para sa mga bata upang maiwasan ang posibleng pagkalat ng mga sakit.
Winika ni Villarin na nagsagawa rin ang DOH ng Water, Sanitation, and Hygiene (WASH) assessments upang matiyak na ligtas ang tubig sa evacuation center para sa pag-inom at iba pang gamit.
Imo-monitor din ng DOH ang kalagayan ng mga bata at buntis sa evacuation center upang masiguro na makatatanggap sila ng sapat na nutrisyon, kabilang ang suplay ng gatas para sa mga sanggol.
Samantala, matapos ang pagbisita sa Liloan, tumuloy si Pangulong Marcos sa Talisay Sports Academy sa Talisay City, kung saan namahagi rin siya ng tulong sa mga apektadong residente. (Kris Jose)