MANILA, Philippines – Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang kahandaan nito sa pagbibigay ng agarang tulong sa mga maaapektuhan ng Super Typhoon Uwan (Fung-wong), kasabay ng pagpapatuloy ng relief operations para sa mga biktima ng Bagyong Tino.
Ayon kay Secretary Rex Gatchalian, nagsagawa na ng inspeksyon sa mga family food packs (FFPs) ang DSWD Field Office 1 sa Ilocos upang matiyak ang kalidad ng mga ito bago ipamahagi.
Sinabi naman ni Assistant Secretary Irene Dumlao na mahigit dalawang milyong FFPs ang nakaimbak sa iba’t ibang warehouse sa bansa, kabilang ang 40,000 sa Aurora at 200,000 sa Central Luzon.
Patuloy din ang koordinasyon ng DSWD sa mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang mabilis na paghatid ng tulong sa mga high-risk areas.
Kasabay nito, nagpapatuloy ang operasyon ng DSWD para sa mga nasalanta ng Bagyong Tino, lalo na sa Visayas at Mindanao, kung saan higit 200,000 FFPs na ang naipamigay.
Dagdag ni Dumlao, nakikipag-ugnayan na ang ahensya sa Department of Budget and Management para sa replenishment ng quick response funds, at titiyaking tuloy-tuloy ang suporta hanggang tuluyang makabangon ang mga komunidad, partikular sa Cebu. RNT