MANILA, Philippines – Dalawang abandonadong parcel na naglalaman ng halos tatlong kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P19,910,400 ang kinumpiska sa isinagawang interdiction operation ng Ninoy Aquino International Airport – Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) sa Central Mail Exchange Center (CMEC) Biyernes ng tanghali, Nobyembre 7.
Ayon sa inisyal na report ng NAIA-IADITG ay napag-alaman na naganap ang pagkadiskubre ng ilegal na droga bandang alas 12:30 ng tanghali sa Central Mail Exchange Center (CMEC), Domestic Road, Pasay City.
Sa unang binuksan na parcel ay idineklara itong “Outdoor Wall Lamp, Round LED DOwnlight, Wall Lamp” na ipinadala isang nagngangalng Chi ng MBE Cheras Leisure Mall, L2-08 Level 2, Jalan Manis 6, Taman Segar, 56100 Kuala Lumpur, Malaysia at naka-consign kay Brian A. Diaz ng Blk 52 Lot 3, Segovia Subdivision, St. Rosa, Laguna 4026, kung saan nakuha ang 10 translucent plastic bags na naglalaman ng 2,022 gramo ng hinihinalang shabu na kasama ng 10 kahon ng wall LED lamps.
Ang ikalawang parcel na idineklarang “Gemo Bag, M28 Vinters Bag” na ipinadala ng isang nagngangalang Atjima Thaichanad ng 900/28 Pakchong Nakhon Ratchasima, Thailand, na naka-consign naman kay Elaine Cruz ng Blk 23 Lot 32, Esmeralda Village, St. Rosa, Laguna 4026, ay nakuha ang isang document bag na naglalaman ng dalawang improvised cases ng acrylic sheets na nakakabit sa 2 foil na mayroong laman na dalawang transparent plastic bags ng 508 gramo ng hinihinalang shabu.
Nadiskubre rin sa ikalawang abandonadong parcel ang isang hand bag na mayroong 2 improvised cases na gawa sa acrylic sheets at nakakabit din sa 2 transparent plastic bags na naglalaman ng 398 gramo ng hinihinalang shabu.
Sa kabuuang bilang ay umabot sa 2,928 gramo ng shabu ang nakumpiska sa dalawang binuksan na inabandonang parcel.
Ang mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa PDEA Laboratory Service para sumailalim sa laboratory examination.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 4 Art. Il ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang mga nasasangkot na indibidwal sa pagkakadiskubre ng kinumpiskang ilegal na droga. (James I. Catapusan)