MANILA, Philippines – Iimbestigahan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang ulat na may mga BPO company na sapilitang pinapapasok ang kanilang mga empleyado sa kabila ng paghagupit ng bagyong Uwan.
Lahat ng regional directors ay inatasan nang iberipika ang mga ulat laban sa mga BPO company na pinipilit umano ang kanilang mga empleyado na pumasok sa trabaho.
Ayon kay Labor secretary Bienvenido Laguesma, pagpapaliwanagin ang mga kumpanya kung bakit nila pilit na pinapapasok ang mga manggagawa sa kabila ng mapanganib na kondisyon.
Hindi aniya palalampasin ng DOLE ang anumang hakbang na naglalagay sa panganib ng mga manggagawa.
Tiniyak rin ni Laguesma na prayoridad ng kagawaran ang kaligtasan at kapakanan ng lahat ng manggagawa sa iba’t ibang industriya, hindi lamang sa BPO sector.
Bago ito, sinabi ng grupong BPO Industry Employees Network o BIEN Pilipinas na libu-libong BPO workers ang patuloy na pinipilit pumasok kahit sa gitna ng panganib at sa kabila ng mga pagbaha at pagkawala ng kuryente.
Tinatakot umano ang ilan sa mga manggagawa ng Notice to Explain, tinatanggalan ng incentives, o pinipilit mag-report onsite kahit delikado. Jocelyn Tabnagcura-Domenden