MANILA, Philippines – Sugatan ang dalawang sakay ng motorsiklo matapos mabagsakan ng bahagi ng electronic billboard mula sa isang gusali sa Quezon City kasabay ng pananalasa ng Bagyong Uwan nitong Lunes ng umaga, Nobyembre 10.
Sa update, sinabi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ang insidente ay naganap sa Aurora Boulevard-Katipunan Service Road southbound bandang alas-9 ng umaga.
“Dalawa ang sugatan dahil sa insidente. Nangyari ang insidente pasado 9 a.m. sa gitna ng malakas na hangin at ulan sa lugar,” sinabi ng MMDA.
Dinala sa ospital ang rider at backrider ng motorsiklo kung saan ang drayber ay nagtamo ng sugat, pananakit ng dibdib at balikat.
Namaga naman ang mukha ng backrider nito.
Bukod sa motorsiklo, tinamaan din ng debris ang isang sasakyan sa lugar na nagtamo ng sira sa bumper nito.
Pansamantalang isinara ang Katipunan Service Road southbound mula Xavierville hanggang sa intersection ng Aurora Boulevard.
“Sa Xavierville Avenue o sa Katipunan flyover muna ang daan ng mga sasakyan na nasa kahabaan ng Katipunan Southbound at U-turn sa Katipunan bago mag-B. Serrano southbound para sa mga sasakyang papunta ng Marcos Highway,” ayon sa MMDA. RNT/JGC