TAIWAN – Nag-isyu ng babala ang Taiwan nitong Martes, Nobyembre 11 para ilikas ang mahigit 3,000 residente bago ang pagdating ng Typhoon Fung-wong o Bagyong Uwan na nanalasa rin sa bansa.
Inaasahang magla-landfall ang bagyong Fung-wong sa southwestern coast ng Taiwan o malapit sa port city ng Kaohsiung pagsapit ng Miyerkules.
Tatawirin nito ang ibabang bahagi ng Taiwan at papasok sa Pacific Ocean o sa dalampasigan ng eastern counties ng Taitung at Hualien.
Nagbabala na si Taiwan President Lai Ching-te, sa pagpunta ng mga tao sa mga bundok o sa mga tabing-dagat, at iba pang posibleng mapanganib na lugar sa bagyo.
Matatandaan na noong Setyembre ay 18 ang nasawi sa Hualien matapos ang malalang pagbaha dahil din sa bagyo.
Ipinag-utos na ng pamahalaan ang paglilikas sa bayan ng Guangfu, o lugar kung saan nangyari ang mapaminsalang pagbaha.
Mayroong 3,337 katao sa apat na county at bayan sa naturang lugar ang inilikas na sa ligtas na lugar. RNT/JGC