MANILA, Philippines – Umabot na sa 4.5 milyong katao sa 11,100 barangay sa buong bansa ang naapektuhan ng Super Typhoon Uwan, ayon sa ulat ng Office of Civil Defense (OCD) nitong Miyerkules.
Ayon sa OCD, 27 ang nasawi, 36 ang sugatan, at dalawa ang nawawala, habang nasa 196,000 katao o 7,700 pamilya ang kasalukuyang nananatili sa mga evacuation center.
Tinatayang ₱126 milyon ang pinsala sa imprastruktura at ₱142.3 milyon naman sa agrikultura. Nasa 28 pambansang kalsada pa rin ang hindi madaraanan, karamihan sa Cordillera, Bicol, at Cagayan Valley.
Sinabi ni OCD Deputy Administrator Bernardo Alejandro IV na nagpapatuloy ang power restoration sa Cagayan Valley at Bicol matapos masira ang ilang linya ng kuryente.
Ayon din sa DICT, naapektuhan ang komunikasyon sa 53 lalawigan sa 12 rehiyon, kabilang ang 11 bayan sa Catanduanes na nakaranas ng network outage.
“Now, the northeastern part of Catanduanes is the most affected, kaya limitado ang connectivity doon sa area ng Catanduanes,” ayon kay Alejandro.
Nag-deploy na rin ang DICT ng mga pansamantalang komunikasyon upang makatulong sa mga apektadong lugar.
Batay sa ulat ng PAGASA noong alas-5 ng hapon, nananatiling nakataas ang Signal No. 1 sa Batanes matapos muling pumasok sa Philippine Area of Responsibility si Uwan. Santi Celario