MANILA, Philippines – Labing-anim na senador ang pormal na sumuporta sa pagtatatag ng Independent People’s Commission (IPC) sa pamamagitan ng paglagda sa committee report ng Senate Bill No. 1512, na magbibigay sa bagong katawan ng kapangyarihan upang imbestigahan ang mga anomalya sa mga proyekto ng gobyerno.
Kabilang sa mga lumagda sina Senate President Vicente “Tito” Sotto III, Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson, Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Sen. Francis Pangilinan, Sen. Win Gatchalian, Sen. Bong Go, Sen. Pia Cayetano, Sen. Jinggoy Estrada, Sen. JV Ejercito, Sen. Mark Villar, Sen. Erwin Tulfo, Sen. Loren Legarda, Sen. Risa Hontiveros, Sen. Bam Aquino, Sen. Joel Villanueva, at Sen. Robin Padilla.
Walong senador ang hindi lumagda kabilang sina Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano, Sen. Francis “Chiz” Escudero, Sen. Rodante Marcoleta, Sen. Raffy Tufo, Sen. Lito Lapid, Sen. Camille Villar, Sen. Imee Marcos, and Sen. Ronald “Bato” dela Rosa. Ilan sa kanila ay wala umano nang ipinamamahagi ang report.
Kung maitatag, sisiyasatin ng IPC, idodokumento, at magrerekomenda ng aksyon laban sa korapsyon, mismanagement, at kapabayaan sa pagpaplano, procurement, at pagpapatupad ng mga pampublikong proyekto.
Magkakaroon ito ng espesyalisasyon sa teknikal, engineering, at financial audit, at magsisilbing pangunahing repositoryo ng datos sa imprastruktura ng gobyerno.
Magkakaroon din ang komisyon ng kapangyarihang mag-isyu ng subpoena, magbigay ng immunity sa mga nagbubunyag ng impormasyon, mag-utos ng preventive suspension ng mga opisyal na iniimbestigahan, at pansamantalang magsara o bawiin ang mga permit at lisensya ng mga contractor o entidad na may kinalaman sa anomalya.
Maaaring palitan ng IPC ang Palace-created Independent Commission on Infrastructure (ICI), na kasalukuyang nagsisiyasat sa mga anomalya sa flood control at iba pang proyekto ng imprastruktura. Ang mandato ng IPC ay tatagal hanggang Hunyo 30, 2028, maliban kung palawigin ng batas.
Ang hakbang ay bahagi ng pagtutok ng mga mambabatas sa mga anomalya sa imprastruktura, at binigyang-diin ang kagyat na pangangailangan na maipasa ang panukala bago ang sponsorship ng 2026 General Appropriations Bill sa Senado. RNT