Home HOME BANNER STORY Zaldy Co, nagsalita na sa flood control scam, nangakong isisiwalat lahat

Zaldy Co, nagsalita na sa flood control scam, nangakong isisiwalat lahat

381
0

MANILA, Philippines – “Scapegoat”

Ganito itinuring ni dating Ako Bicol Rep. Elizaldy Co ang kanyang sarili na sentro ngayon ng flood control scandal, aniya, ginagamit lamang siya na “scapegoat” o panakip butas sa lahat ng katiwalian.

Sa isang uploaded video ni Co (https://www.facebook.com/share/v/16f12WE3LJ/) na tumagal lamang ng 6 na minuto ay humarap ito sa unang pagkakataon at nanindigang hindi na ito mananahimik at ilalantad ang katotohanan.

Sinabi ni Co na umalis siya ng bansa para sa isang medical checkup noong Hulyo at plano niyang bumalik bago ang State of the Nation Address ng Pangulo.

Mismong si House Speaker Martin Romualdez umano ang nagsabi sa kanya sa isang tawag sa telepono ng mga salitang  “Stay out of the country. You will be well taken care of as instructed by the President.”

Aniya, noon ay naniniwala siya kay Romualdez at Pangulong Marcos kaya hindi ito bumalik.

“Tumikom ang aking bibig, sumunod ako. Pero ang hindi ko alam, ang ibig pala nilang sabihin sa aalagaan ka namin ay gagamitin ako bilang panakip-butas sa kanilang kampanya laban sa korapsyon. Ginawa nila kung poster boy ng kanilang sariling kasinungalingan,” ani Co.

“Ngayon, hindi na ako mananahimik, ilalabas ko ang lahat ng katotohanan. May resibo, may ebidensya, at may pangalan.” giit nito.

Inamin pa ni Co na sa simula ng bicameral process noong 2024 ay mismong si Budget Secretary Amenah Pangandaman ang nagsabi sa kaniya na nakipagkita ang kalihim kay Pangulong Marcos at inaatasan siya (Co) na magpasok ng P100 billion halaga ng proyekto sa budget.

Kaniya umanong bineripika ang sinabi ni Pangandaman kay Undersecretary Adrian Bersamin.

“Right after our conversation, tinawagan ko po si Dating Speaker Martin Romualdez, at nireport ko ang instructions ng Presidente to insert the P100 billion projects, at sinabi niya sa akin ‘What the President wants, he gets,’”  banggit nito sa video.

“Kaya po nagtataka ako kung bakit sinasabi ni Pangulo na hindi niya makilala ang budget, samantalang lahat na ibinawas at idinagdag sa mga ahensya ng gobyerno ay humihingi ng approval sa kanya si Sec. Mina Pangandaman,” dagdag pa nito.

Sinabi ng kampo ni Co sa Kamara na ang ipinalabas na video ay una pa lamang at may mga kasunud pa itong ilalabas.

Si Co ay nanatiling nasa labas ng bansa. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here