Home HOME BANNER STORY Inconsistencies sa isiniwalat ni Zaldy Co sa budget insertion pinuna ng Palasyo

Inconsistencies sa isiniwalat ni Zaldy Co sa budget insertion pinuna ng Palasyo

345
0

MANILA, Philippines – Pinabulaanan ng Malakanyang ang mga alegasyon ni dating Ako Bicol party-list congressman Zaldy Co na ipinasok ang P100 bilyong pondo sa 2025 national budget.

Sa video statement, tinawag ni Palace Press Officer Claire Castro ang paratang ni Co bilang
“inconsistent and misleading.”

Aniya, ang two-part video ni Co ay pag-amin lamang nito na minanipula niya ang badyet.

“Ang mga binitawan ni Zaldy Co ay isang kasinungalingan, propaganda. Mas lumalaki ang kasalanan ni Zaldy Co sa bayan,” sinabi pa ni Castro.

“Napakaliwanag na mga pag-amin niya. Umamin si Zaldy Co sa ginawa niyang mga insertions para sa budget 2025. Hindi na niya matatangi na siya ang taksil sa bayan na naglalagay ng mga insertions para nakawin lamang.”

Sa unang video nitong Biyernes, tinukoy ni Co si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pamamagitan ni Budget Secretary Amenah Pangandaman, na nag-utos umano ng pagpasok ng P100 bilyon para sa mga proyekto sa 2025 national budget, at sinabing 25% dito ang direktang napunta sa Pangulo.

Mahigpit na pinabulaanan ni Castro ang alegasyon at sinabing mismong si Marcos ay nag-veto ng P194 bilyong halaga ng line items sa 2025 budget na lampas pa sa P100 bilyong tinutukoy ni Co.

Kasabay nito, kinwestyon ni Castro ang timing ng paratang ni Co.

“Kaya paano madedeliver di umano ng kanyang mga tao ang mga maleta noong January, May, June, August at October 2024 kung di pa man nagsisimula ang bicam conference para sa budget 2025?” tanong ni Castro.

Dahil dito ay nanawagan siya ng masusing pagsisiyasat sa pahayag ni Co.

“Kung ngayon pa lang sa video niya ay kitang-kita na ang mga gawa-gawang kwento. Sa ating pagusuri, dapat lamang maimbestigahan si Zaldy Co para malaman natin lahat kung saan nanggagaling ang kanyang kasinungalingan.”

“Sa sinabi niyang wala siyang kinupit na halaga kahit na nasa kamay niya ang pag-i-insert ng mga proyekto sa budget 2025. Patunayan niya ito lalo pa’t nagsusumigaw ang mga yaman niya.” RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here