MANILA, Philippines – Nagpahayag ng kumpiyansa si dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co na iimbestigahan ng Senado, at hindi ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), ang katotohanan sa likod ng budget insertions at anomalya sa flood control projects.
Sa Part 2 ng serye ng video expose ni Co sa malawakan umanong korapsyon sa administrasyong Marcos, hinamon ni Co si Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na gawin nito ang kanyang trabaho.
Sa kabila nito, naniniwala umano siya na hindi kakasa si Remulla sa hamon nito.
“Nanawagan din po ako sa Senado na imbestigahan ang P100-billion insertion ni Presidente,” ani Co sa video na inilabas nitong Sabado, Nobyembre 15.
“Alam ko po na hindi gagawin ni Ombudsman Remulla ang hamon ko, pero magaling ang Senado sa imbestigasyon at ako ay naniniwala na dahil sa kanila, lalabas ang katotohanan,” dagdag pa niya.
“Ngayon ay hinahamon ko si Ombudsman Remulla. Kung seryoso talaga siya sa mga sinasabi niya sa kanyang press release na idadamay niya pati si Martin Romualdez kung magbibigay ako ng ebidensya.”
“Imbestiagahan din niya si President Bongbong Marcos. Sabi nga ni BBM noong SONA (State of the Nation Address), let’s do it right, at ‘Mahiya naman kayo,’ hindi po ba?” sinabi pa niya.
Sa Part 2 ng video, sinabi ni Co na P25 bilyon, o 25 percent ng P100 bilyong infrastructure projects ay ipinadala kay Marcos bilang SOP. Katumbas ito ng payoff o kickback. RNT/JGC