Home METRO 3 weather systems magpapa-ulan sa bansa – PAGASA

3 weather systems magpapa-ulan sa bansa – PAGASA

357
0

MANILA, Philippines – Tatlong umiiral na sistema ng panahon ang magdadala ng maulap na kalangitan at kalat-kalat na pag-ulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa ngayong Lunes, sinabi ng state weather bureau.

Sa 4 a.m. public weather forecast, sinabi ng PAGASA na ang Intertropical Convergence Zone ay makakaapekto sa Palawan at Mindanao, habang ang Northeast Monsoon ay makakaapekto sa Northern Luzon. Ang easterlies naman ay makakaapekto sa natitirang bahagi ng bansa.

Idinagdag ng PAGASA na walang low pressure areas (LPA) ang binabantayan para sa tropical cyclone formation sa ngayon.

Maulap na papawirin na may kalat-kalat na mga pag-ulan at pagkidlat-pagkulog ang mararanasan sa Mindanao at Palawan ngayong Lunes bilang resulta ng ITCZ.

Ang shearline ay magdadala ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at pulu-pulong pagkidlat-pagkulog sa Cagayan at Isabela.

Samantala, ang Eastern Visayas, Bicol Region, Aurora, at Quezon ay magkakaroon ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog bilang resulta ng easterlies.

Ang Metro Manila at ang nalalabing bahagi ng bansa ay magkakaroon ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may pulu-pulong mga pag-ulan o pagkidlat-pagkulog dahil na rin sa easterlies.

Ang Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, at nalalabing bahagi ng Cagayan Valley ay makakaranas ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may pulu-pulong mahinang pag-ulan dulot ng Northeast Monsoon.

Ang hilagang at kanlurang bahagi ng Luzon ay makakaranas ng katamtaman hanggang sa malakas na hangin at katamtaman hanggang sa maalon na kondisyon ng tubig sa baybayin.

Ang silangang bahagi ng Mindanao at nalalabing bahagi ng bansa ay makakaranas ng mahina hanggang sa katamtamang hangin at mahina hanggang sa katamtamang lagay ng tubig sa baybayin. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here