MANILA, Philippines – Ginagamit umano na panakot ng administrasyong Marcos ang pagsasampa ng kasong ‘inciting to sedition’ laban sa mga kritiko nito, kahalintulad nang ginawa kay Cavite Rep. Kiko Barzaga.
“Ginagamit nilang panakot,” ayon kay VP Sara nang tanungin ukol sa inciting to sedition charges na isinampa laban sa mambabatas, matinding kritiko ng administrasyong Marcos at ni Leyte Rep. Martin Romualdez.
Kaya nga ang apela ni VP Sara sa Malakanyang ay huwag masyadong maging balat-sibuyas.
“At hindi mo pwedeng pigilan yun dahil karapatan yan ng mga tao na magsalita kung ano yung iniisip nila, kung ano yung nararamdaman nila. Kung hindi man pabor sa administration o gobyerno nilang sinasabi ng mga tao ay dapat respetuhin nila yun,” anito.
Kaugnay nito, ibinahagi ni VP Sara na siya ay nahaharap ngayon sa kasong inciting to sedition at grave threats.
Nag-ugat ang mga asunto laban sa kanya nang ihayag niya sa online press conference noong November 2024, kung saan sinabi ni VP Sara na may sinabihan na siyang tao na patayin sina Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at Romualdez kapag siya ay pinapatay.
“Actually, ma’am, inaantay ko lang kung kailan nila ako ikulong,” ani VP Sara.
“But apparently hanggang ngayon hindi pa rin nila ma buo-buo talaga kung ano iyong strategy nila paano nila ako ikulong dahil wala talaga silang ebidensya ng maling ginawa,” ayon kay VP Sara. (KRIS JOSE)