RIZAL, Philippines – Nagsagawa feeding program ang PaMaMaRiSan—Rizal Press Corps para sa 42 senior citizens ng One Cainta Sunset Retreat sa Barangay San Juan, Cainta, Rizal.
Kabilang sa mga ipinamahagi ng grupo ang libreng diaper, hygiene kits, at food packs.
Bukod sa donation ng grupo, hinandugan din pamaskong awitin ng Pamamarisan Rizal Press Corps ang mga senior citizen na bakas ang saya sa kanilang mga mukha.
Lubos naman ang pasasalamat ng pamunuan ng One Cainta Sunset Retreat sa ibinigay na tulong ng grupo ng mamamahayag.
“Malaking tulong ito para sa ating mga senior citizens,” ayon kay Frederick Salonga, head ng One Cainta Sunset Retreat.
Ang pasilidad ay itinatag noong Mayo 1, 2023 bilang katuparan ng pangarap ni Cainta Mayor Kit Nieto na “walang senior citizen sa Cainta ang maiiwan o mapapabayaan.”
Aniya, tanging ang Cainta ang nagpopondo sa operasyon ng pasilidad, ang kaisa-isang LGU-funded home for the aged sa buong Rizal.
Dahil sa ganda ng pasilidad at kalidad ng serbisyong ibinibigay, kadalasan ay napagkakamalan itong pribadong institusyon ng mga bumibisita mula sa Amerika, Singapore, at Korea.
Ipinaliwanag naman ni Abegail Mae Pastor, Social Welfare Officer II, kung bakit pinili ang Sunset Retreat, na aniya ay isa sa pinakamahalagang proyektong ipinagawa ni Cainta Mayor Keith Nieto para sa mga nakatatanda.
Ayon kay Pastor, kilala ang alkalde sa pagiging maalaga sa senior citizens, na tumatanggap ng door-to-door maintenance medicine, cash gift para sa golden couples, birthday gifts, at iba pang serbisyo.
“Ayaw ng Mayor natin na may senior citizen na napapabayaan at natutulog sa kalsada. Kaya niya ipinagawa ang Sunset Retreat para magkaroon sila ng maayos at ligtas na tirahan,” aniya.
Sa pasilidad, nakatatanggap ang mga senior ng 5 hanggang 6 na pagkain sa isang araw, kasama ang breakfast, snacks, lunch, dinner, at maging midnight snacks kung kinakailangan.
Libre rin ang gamot, check-up, at pang-araw-araw na pangangalaga dahil may doktor, nurse, at caregivers na nakaantabay sa kanila.
Bukod sa pangangalagang medikal, binibigyan din sila ng iba’t ibang aktibidad gaya ng monthly programs, Valentine’s celebration, nutrition month activities, sports fests, at ang pinaka-engrande nitong taon, ang Gala Night, kung saan nagbihis pormal ang mga lolo’t lola at pinagsilbihan ng four-course meal.
Ngayong Disyembre, White Christmas naman ang tema ng pasilidad. Tampok dito ang Christmas Tree of Hope, kung saan nakapaskil ang larawan at “10 wishes” ng bawat senior citizen upang maibigay ng sinumang nais tumulong. (Maritess Pumaras)