MANILA, Philippines – Ikinagulat ng publiko ang naging pasabog na pahayag ni Senadora Imee Marcos nitong Lunes sa ikalawang gabi ng ‘INC rally for transparency and accountability’ matapos niyang akusahan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng paggamit ng ipinagbabawal na gamot.
Sa ikalawang araw ng anti-corruption rally na inorganisa ng Iglesia ni Cristo (INC), diretsong sinabi ni Marcos: “Batid ko na na nagda-drugs siya. Nalaman ko at ng pamilya. Seryoso ito.”
“Mas lumala ang kaniyang pagkalulong sa droga dahil pareho pala silang mag-asawa,” dagdag niya, patungkol kay First Lady Liza Araneta-Marcos.
Sinabi pa ng senadora na kasama umano si PBBM sa drugs list ni dating pangulong Rodrigo Duterte sa ilalim ng mga celebrity na umano’y gumagamit ng droga.
“‘Nung 2016 kasabay ng kampanya ni dating pangulong duterte laban sa droga, lumabas ang pangalan ni Bongbong sa listahan. Nakasama sya sa listahan ng celebrities,” anang senadora.
“Masinsinsinang kong kinausap si Pangulong Rody, halos manikluhod ako. Sinabi kong ayon sa kapulisan dapat unahin usigin ang mga pusher at saka na lamang sagipin ang mga user. Naligtas si Bongbong,” giit pa ni Imee.
Sa kabila ng talumpati, hindi naman nakapagbigay ng anumang dokumento o ebidensiya ang senadora.
Sa agad na pagtugon naman ni Presidential Communications Usec. Claire Castro sa kanyang Youtube channel, tinawag niya ang pahayag ni Sen. Imee bilang ‘desperate move’.
Kinuwestyon niya rin ang kaugnayan ng paninira umano ni Sen. Imee sa Pangulo na kanyang kapatid sa nasabing rally.
Giit ni Castro, nauna nang nagnegatibo si PBBM sa isinagawang boluntaryong drug test bago pa man siya mahalal na pangulo.
“Walang basehan dahil kung itong test na ito na siyang kinumpirma ng St. Luke’s na negatibo sa drug test ang Pangulo, bakit hindi siya tumutol noon? Alam natin kung ano ang motibo niya,” pahayag pa ni Castro sa kanyang livestream nitong Lunes.
Sa kabilang banda, tinapos na ngayong gabi, Nob .17, ng Iglesia ni Cristo ang peace rally sa Quirino Grandstand.
Ibig sabihin nito ay wala nang rally na magagandap ng Miyerkoles, Nob.18, ayon sa kumpirmasyon ni INC spokesperson Ka Edwil Zabala. RNT