MANILA, Philippines – Sinabi ni House Minority Leader Marcelino Libanan nitong Martes na “no knowledge” siya sa P100 bilyong halaga ng mga proyektong diumano’y ipinasok sa 2025 national budget noong bicameral conference committee level, gaya ng sinabi ni dating House Committee on Appropriations chairperson Zaldy Co sa kaniyang video post sa Facebook.
Si Libanan ay bahagi ng bicam para sa 2025 national budget, ngunit iginiit niya na si Co at ang kanyang counterpart sa Senado ay itinalaga para pag-ugnayin ang mga magkasalungat na probisyon sa iminungkahing 2025 General Appropriations Act.
“Hindi po natin alam ‘yan… Kung titingnan natin, ang usual na nangyayari at ‘yun ang nangyari, ay nag-open ‘yung bicam, tapos dinesignate ‘yung chairman ng Committee on Appropriations, si Zaldy Co, sa House at saka ‘yung chairperson ng (Senate) Committee on Finance to reconcile the conflicting provisions of both Houses,” saad ni Libanan.
“‘Pag inassure nila na reconciled na, binigyan kami ng summary ng conflicting provisions. At ‘yun po ay aaprubahan na. Hindi po kami kasali doon sa mga insertion. Wala kaming kaalam-alam doon, ako, personally,” dagdag niya.
Sa isang video statement ni Co, sinabi niya na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa pamamagitan ng Budget Secretary Amenah Pangandaman, ay nag-utos sa kanya na gawin ang mga insertion ng badyet sa panahon ng bicam.
Sinabi ni Co na kapwa nakinabang sina Marcos at Romualdez sa diumano’y mga insertion.
Nagpahayag ng pagdududa si Libanan sa paghayag na ito, at sinabing wala sa karakter ni Romualdez na gumawa ng mga banta ng kamatayan.
“Baka nagja-justify siya na hindi siya umuwi dito, pero unfair naman ‘yun kay former Speaker Martin,” aniya.
“Nakita ko siya, very friendly, ang bait. Sa tingin ko po ay wala sa character niya na mag-threaten na papatay. May time naman na ‘pag gusto niya ng kaayusan sa Kongreso, nagsasalita siya, pero not to the extent na magiging violent siya. Kaya medyo hindi ako makapaniwala na sasabihin ni Speaker Martin ‘yung threat niya kay Cong. Zaldy Co,” dagdag ni Libanan. RNT/MND