MANILA, Philippines – Nagbabala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga driver at operator ng public utility vehicles (PUV) na hindi pwedeng tumanggi sa 20 percent na student discount kahit pa weekend o holiday.
Sa pahayag, sinabi ni LTFRB Chair Vigor Mendoza II na may mga natatanggap silang reklamo na ang ilang PUV ay hindi umano kumikilala sa student discount kapag long weekend o kapag mayroong suspensyon ng klase.
Ang babala ay ayon sa atas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na siguruhin ang kapakanan ng mga estudyante.
Aniya, ang kaparehong polisiya para sa fare discount ay aplikable din sa mga senior citizen at persons with disabilities.
“The law is very clear about this. There must be a discount to students even during holidays for as long as they are enrolled,” ani Mendoza.
Ang tinutukoy niya ay ang Republic Act 11314, o “An Act Institutionalizing the Grant of Student Fare Discount Privileges on Public Transportation.”
Sa ilalim ng Section 4 ng batas, sinasabi na “The fare discount granted under this Act shall be available during the entire period while the student is enrolled, including weekends and holidays.”
May maximum penalty ito sa mga PUV driver na tatlong buwang suspensyon ng driver’s license at P1,000 multa sa bawat offense.
Sa kabilang banda, mahaharap naman ang mga operator ng multang P15,000 at revocation ng kanilang Certificate of Public Convenience (CPC).
“Kaya umayos kayo dahil kung hindi, ako mismo ang aayos ng mga kaso laban sa inyo para hindi lang kayo magmulta kung hindi mawalan kayo ng prangkisa,” sinabi ni Mendoza.
Nanawagan siya sa mga estudyante na maghain ng reklamo laban sa mga pasaway na tsuper sa pamamagitan ng LTFRB hotline 0956-761-0739 o sa official social media accounts.
“All you have to do is to properly document it, and we will take care of the rest,” aniya. RNT/JGC