MANILA, Philippines – Umapela ang isang Obispo ng moral na pagninilay matapos ang ginawang pahayag ni Senator Imee Marcos sa peace rally ng Iglesia ni Cristo laban sa kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr at First Lady Liza Araneta-Marcos.
Ayon kay Antipolo Bishop Rupeeto Cruz Santos, bagaman may karapatan ang publiko na malaman ang kalusugan at kakayahan ng kanilang mga pinuno, hindi umano tama ang paraan, oras, at lugar ng paglalabas ng ganoong mabigat na paratang lalo na kung walang malinaw na ebidensya at hindi dumaan sa tama proseso.
Sinabi ng Obispo na ayon sa Ebanghelyo, ang pagtatama ay dapat munang idaan sa pribadong pag-uusap bago gawing publiko.
Ayon pa sa Obispo, nagdulot ng panganib ang naging pahayag ng senadora sa halip na makatulong sa paghilom at pag-unawa.
Sa kabila nito, umaasa ang Obispo na magsisilbi itong pagkakataon para sa lahat ng sangkot na magnilay at pakinggan ang konsensya, nagpatawad at maghilom, at magbago kung may dapat ituwid.
Paalala pa niya, hindi lamang ito isyung politikal kundi isang moral na hamon para sa mga namumuno at sa sambayanan lalo’t may mga bata ring nakapanood kaya mas mainam aniya na pairalin ang katotohanan, pagmamahal, at integridad sa gitna ng sigalot. Jocelyn Tabangcura-Domenden