Home NATIONWIDE Dagdag na pondo sa Judicial Integrity Office, Shari’ah courts isinusulong ng mga...

Dagdag na pondo sa Judicial Integrity Office, Shari’ah courts isinusulong ng mga senador

325
0
Supreme Court

MANILA, Philippines – Isinusulong ng mga senador ang karagdagang badyet para sa judiciary sa paglikha ng mas maraming Shari’ah courts at implementasyon ng Judicial Integrity Office (JIO), na layong tugunan ang mga reklamo laban sa mga opisyal ng korte.

Kasabay ng Senate plenary debates sa proposed budget ng judiciary, isinulong ni Senador Panfilo Lacson ang karagdagang P250 milyong pondo para maging fully operationalized ang JIO.

“Para ma-operationalize ‘yung JIO, P250 million lang. Palagay ko mayroon tayo makukuha niyan. So they can start organizing,” ani Lacson.

Sinabi naman ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan, sponsor ng badyet ng judiciary, na hindi pa ito fully organized.

Pinalitan ng JIO ang five-member Judicial Integrity Board.

Ito ay binibigyan ng kapangyarihan na magsagawa ng fact-finding investigations at magrekomenda ng mga kaukulang penalty o clemency laban sa mga court official.

Aatasan ang JIO na paunlarin ang integridad at tugunan ang mga isyu ng korapsyon sa judiciary.

“While the consciousness is high, ano, in addressing corruption, maybe this is the proper time to assist the Supreme Court (SC) or the judiciary to, you know, to organize immediately the JIO,” anang senador.

“During the period of amendments, we can introduce amendments in the amount of only P250 million,” ayon pa kay Lacson.

Sumang-ayon naman dito si Senate finance committee chairman Senator Sherwin Gachalian.

Samantala, isinusulong din ni Senator Robin Padilla ang dagdag na pondo sa paglikha ng tatlong Shari’ah Courts sa halip na dalawa lamang.

Ani Pangilinan, kailangan ang karagdagang P200 milyon para rito.

“Hinihingi po natin sa ating chairman ng finance na mapagbigyan din po ang mga kapatid niyo pong Muslim na mabigyan po ng P200 million na budget ang ating SC,” sinabi ni Padilla.

Ayon kay Pangilinan, sinabi ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na nakipag-usap siya kay Gatchalian para pagkasunduan ang karagdagang kinakailangang badyet.

Sumang-ayon din aniya si Gatchalian tungkol dito.

Nitong Miyerkules, Nobyembre 19 ay tinapos ng Senado ang plenary deliberations para sa P67.7 bilyong proposed budget ng judiciary.

Sa nasabing halaga, P58 bilyon ang para sa Supreme Court at lower courts, P166 milyon para sa Presidential Electoral Tribunal, P2.6 bilyon para sa Sandiganbayan, P5.7 bilyon sa Court of the Appeals, at P1 bilyon para sa Court of Tax Appeals. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here