CEBU-PATAY ang isang lola matapos mahagip ng motorsiklo habang ang una ay tumatawid sa kalsada, iniulat kahapon, Nobyembre 19 sa Talisay City.
Kinilala ang biktimang si Marina Ouano, 79, at residente sa Sitio Rambutam, Barangay Jaclupan, ng nasabing lungsod.
Hawak naman ng pulisya ang suspek at driver ng motorsiklo na kinilalang si Jofen, 35, at residente ng Barangay Calong Calong, Toledo.
Batay sa report ng Talisay City Police Station, bandang 7:30 PM naganap ang insidente sa kalsadang sakop ng Purok 4, Barangay Jaclupan ng nabanggit na lungsod.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, tumatawid ang biktima sa nasabing lugar ng bigla na lamang itong mahagip ng humaharurot na motorsiklo.
Sa bilis ng pangyayari nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan ang biktima.
Agad naman dinala sa Cebu South Medical Center ang biktima para lapatan ng lunas subalit sa daan pa lamang ay nalagutan na ito ng hininga.
Dinala naman sa kustodiya ng Talisay-PNP ang suspek at posibleng maharap sa kasong paglabag sa reckless imprudence resulting in homicide. Mary Anne Sapico