MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Department of Justice (DOJ) nitong Huwebes na 57 mga buto mula sa Taal Lake ang narekober kasunod ng pagpapatuloy ng search and retrieval operations kaugnay ng kaso ng mga nawawalang sabungero.
Sinabi ni Justice spokesperson Polo Martinez na narekober ang mga buto sa tatlong magkakahiwalay na petsa ngayong buwan.
Ayon kay Martinez, noong Nobyembre 6, Nobyembre 17, at Nobyembre 18, nagsagawa ng magkahiwalay na imbestigasyon ang CIDG-Regional Field Unit ng Region IV-A sa Taal Lake.
Ito ay kasunod ng pagpapatuloy ng imbestigasyon at diving operations na dati ay nasuspinde dahil sa bagyo at sa kalagayan ng bulkang Taal sa lugar.
Dagdag pa ni Martinez, 25 piraso ng diumano’y mga labi ng kalansay ng tao ay natuklasan at nakolekta noong Nobyembre 6.
Nauna rito, ibinahagi rin ni Martinez na may kabuuang 60 operasyon ang isinagawa mula Hulyo hanggang Oktubre na may kabuuang bilang ng mga buto na isinumite para sa pagsusuri sa 981. Jocelyn Tabangcura-Domenden