MANILA, Philippines – Tumaas ang kaso ng leptospirosis sa Cebu City matapos ang pagbaha dulot ng Bagyong Tino, ayon sa datos ng Cebu Integrated Provincial Health Office na nagtatala ngayon ng 23 kaso sa lalawigan.
Isa sa mga pasyente, si Dominador Apa-ap, 57, ay naka-confine sa ICU dahil sa malubhang leptospirosis.
Ayon sa pamilya, nagkaroon siya ng lagnat nang isang linggo matapos ang bagyo at una pang na-diagnose na pulmonya bago lalo pang lumala ang kondisyon.
“He was seeking help because he was feeling cold. To breathe, he had to shout,” kuwento ng anak niyang si John Martin Apa-ap. Pinaniniwalaan nilang nakuha niya ang impeksiyon nang lumusong sa baha papunta sa trabaho.
Nakapagtala rin ng mga nasawi dahil sa sakit, kabilang si Jerwin Carl Abellana, 27, na pumanaw noong Linggo matapos bumigay ang kanyang kidney at baga.
Ayon sa partner niyang si Berna Sangilan, dinala si Jerwin sa ospital noong Nobyembre 13 dahil sa lagnat ngunit hindi na gumaling.
“The doctor told us that he needed to be given a fourth medication to pump his heart, but when he was given the sixth one, the doctors could not do anything about it and he died,” aniya.
Ayon sa mga doktor, ngayon lumalabas ang mga kaso dahil natapos na ang incubation period mula sa nagdaang pagbaha. Paalala ni Capitol health consultant Elisse Nicole Catalan, huwag balewalain ang mga senyales.
“When symptoms like fever, headache, body pain appear, do not disregard them, especially when eyes turn yellow,” sabi niya. Dagdag pa niya, ang mga nalusong sa baha ay dapat agad magtungo sa health center para sa prophylaxis. RNT