MANILA, Philippines — Itinalaga ng Office of the President si Muntinlupa Mayor Ruffy Biazon bilang bagong chairperson ng Regional Peace and Order Council–National Capital Region (RPOC-NCR).
Ayon sa RPOC-NCR, tungkulin nitong bumuo at magmonitor ng mga plano at programang tumutugon sa kapayapaan at kaayusan sa Metro Manila.
“I am deeply honored to have been chosen to Chair the NCR Peace and Order Council… ensuring that the National Capital Region remains peaceful, safe and orderly,” pahayag ni Biazon.
Bago naging alkalde, nagsilbi si Biazon bilang kongresista at tumutok sa usapin ng national defense at security. Aniya, pamilyar siya sa mga isyung may kinalaman sa peace and order.
Nagpasalamat din siya kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Interior Secretary Benhur Abalos sa pagtitiwala, at nangakong iaayon ang regional objectives sa direksyon ng pambansang pamahalaan.
Binubuo ang RPOC-NCR ng 54 miyembro mula sa regional line agencies at mga local chief executives ng Metro Manila.
Nakipagpulong kay Biazon si DILG-NCR Regional Director Maria Lourdes Agustin matapos lumabas ang kanyang appointment. Tiniyak ng DILG-NCR na susuportahan nito ang mga bagong programa at inisyatibo ng council sa ilalim ng pamumuno ng alkalde. RNT/JGC