MANILA, Philippines – Nanindigan si dating House Speaker at Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez na malinis ang kanyang konsensya, sa gitna ng mga alegasyon ng katiwalian na ibinabato laban sa kanya.
Ang pahayag ay ginawa ni Romualdez bilang reaksyon sa naging rekumendasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) at Department of Public Works and Highways(DPWH ) na masampahan ito ng kasong plunder, graft at bribery.
Ang opisyal na pahayag ni Romualdez ay idinaan sa pamamagitan ng kanyang abogado at tagapagsalita na si Atty. Ade Fajardo.
Sa isang pulong balitaan, binasa ni Fajardo ang statement ni Romualdez.
Ayon kay Romualdez kusa siyang humarap sa fact finding process ng ICI at hindi siya umalis ng Pilipinas.
“I willingly submitted myself to the ICI’s fact-finding process, appeared voluntarily, and remained in the country. Throughout all these proceedings, no sworn or credible evidence has ever linked me to any irregularity, and again, my conscience remains clear” ayon kay Romualdez.
Aniya, nagtitiwala siya sa impartial at mabubusing review and evaluation ng Office of the Ombudsman sa rekumendasyon ng ICI at DPWH.
“It’s now with the Ombudsman. I trust in the Ombudsman’s impartial and thorough review and evaluation. I do so with confidence that a fair and complete assessment of the record will reflect the truth” giit pa nito.
Sinabi ni Fajardo na si Romualdez ay nanatili sa Pilipinas, partikular sa National Capital Region(NCR) at business as usual ito kabilang na ang regular na pagpasok sa Kamara para gampanan ang tungkulin bilang kongresista. Gail Mendoza