MANILA, Philippines – Hinihintay pa ang court order para sa Interpol red notice at kanselasyon ng passport ni dating Presidential spokesperson Atty. Harry Roque, ayon sa Department of Justice nang matanong sa budget hearing ng kagawaran ang status ng kaso ni Roque.
Isa si Roque sa inireklamo at nahaharap sa kasong qualified human trafficking at regular human trafficking dahil sa umano’y partisipasyon nito hindi lamang bilang abogado ng Whirlwind corporation na kumpanyang nagpa-upa ng compound sa sinalakay na Lucky South 99.
Buwan ng Mayo nang maglabas ng arrest warrant ang Regional Trial Court sa Pampanga laban sa dating tagapagsalita ni dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos makitaan ng probable cause sa paglabag sa Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022.
Sa kasakukuyan, nananatili sa The Netherlands si Roque na umalis ng bansa noon pang nakaraang taon. Jocelyn Tabangcura-Domenden