NATAPOS nang mas maaga ang dapat ay tatlong araw na rally ng Iglesia ni Cristo sa Luneta para sa temang “Transparency and A Better Democracy.” Sa halip na umabot hanggang ikatlong araw, dalawang araw lamang itong itinuloy—isang desisyong nag-iwan ng maraming tanong, lalo’t naging mainit ang mga talumpating narinig sa entablado.
Ang layunin ng pagtitipon ay malinaw: ipanawagan ang laban kontra korapsyon sa gitna ng sunod-sunod na anomalya sa flood control projects na nagpagagalit sa sambayanang Pilipino. Ngunit gaya ng inaasahan, may bahid pulitika ang naging takbo ng programa nang mangusap ang ilang personalidad tulad nina Atty. Rowena Guanzon, Senator Rodante Marcoleta, Senator Imee Marcos, at iba pa.
Pinakamatingkad, at marahil pinakamabigat, ang talumpati ni Senator Imee. Sa isang pagkakataong ang tema ay anti-corruption, bigla niyang ibinato sa entablado ang personal na akusasyon laban mismo sa Pangulo—kapatid niya—hinggil sa umano’y paggamit ng ipinagbabawal na gamot.
Hindi lang iyon; idinawit din umano ang First Lady at maging mga anak nito. Ang ilan ay nagsasabing baka totoo dahil mismong kapatid ang naglantad, ngunit marami rin ang nagtatanong kung bakit sa isang pampublikong rally pa ibinuhos ang mga paratang na maituturing nang pampamilya.
Dito marahil nagsimulang magbago ang ihip ng hangin para sa INC. Kilala ang organisasyon sa kaayusan at kahinahunan sa bawat aktibidad. Marahil ay nabasa nila ang posibilidad na maaaring lumala ang damdamin ng publiko sa ikatlong araw—lalo’t ang talumpati ni Senator Marcos ay maaaring magdulot ng hindi inaasahang pagtitipon ng mas maraming tao, o posibleng tensyon na ayaw nilang mapasukan. At upang hindi sila maipit sa nag-iinit na pulitika, maaga nilang tinapos ang rally.
At sa totoo lang, sapat na ang dalawang araw. Naipahayag nila ang kanilang paninindigan laban sa katiwalian nang hindi pumapatol sa panawagang pabagsakin ang gobyerno o sa anomang ekstremong posisyon. Nanindigan sila sa isyu—ang korapsyon—at hindi sa pulitikal na bangayan na pilit silang idinadawit.
Sa bandang huli, higit na naging makabuluhan ang kanilang mensahe: ang pagsama ng kanilang boses sa panawagang wakasan ang talamak na katiwalian sa bansa. Nawa’y may managot talaga sa multo ng flood control projects.
Maraming salamat, Iglesia Ni Cristo, sa inyong paninindigan at sa pagpananatili ng kapayapaan sa gitna ng magulong pulitika. Mabuhay kayo.






