Home NATIONWIDE Credit access bill sa maliliit na mangingisda, ikinasa ni Pangilinan

Credit access bill sa maliliit na mangingisda, ikinasa ni Pangilinan

1
0

MANILA, Philippines – Isinusulong ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan ang mga panukalang batas para gawing mas accessible ang pormal na pautang para sa maliliit na mangingisda, at sinabing dapat umabot ang financial support sa mga tumutulong para may pagkain sa hapag ng mga Pilipino at mahalaga sa food security ng bansa.

Inihain ni Pangilinan ang Senate Bill Nos. 2513 at 2514 noong September 29 para tugunan ang matagal nang problema ng mga mangingisda sa pag-access sa credit.

Ang SB 2513 o “Fisherfolk Credit Empowerment through RA No. 11901 Amendment Act” ay mag-aamyenda sa “Agriculture, Fisheries, and Rural Development Financing Enhancement Act of 2022.”

Samantala, ang SB 2514 o “Fisheries Asset Collateralization Act” naman ay mag-aamyenda sa Republic Act No. 11057 o “Personal Property Security Act.”

Kinikilala ng mga panukala ang realidad ng small-scale fishing kung saan madalas walang conventional collateral ang mga mangingisda at apektado ang kita ng panahon, pagbabago ng huli, presyo ng krudo, at iba pang risk sa hanapbuhay.

“Ang pinakamagandang paraan para mapakita natin ang pagpapahalaga natin sa ating mga mangingisda ay bigyan sila ng patas at abot-kayang access sa puhunan,” sabi ni Pangilinan, chairman ng Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform.

Sinabi rin niya na dahil sa limitadong access sa credit, napipilitan ang mga mangingisda na umutang sa informal lenders na may mataas na interest.

Sa ilalim ng SB 2514, maaaring iparehistro at gawing collateral sa utang ang “movable assets” ng maliliit na mangingisda gaya ng bangka, kagamitan sa pangingisda, cold storage, receivables mula sa bentahan ng isda, at future catch.

Ang SB 2513 naman ay naglalayong maglaan ng hindi bababa sa 10% ng 25% credit quota na dapat i-allot ng mga bangko sa agrikultura at pangisdaan sa ilalim ng RA 11901, eksklusibo para sa fisheries at aquaculture projects. Dapat ay hindi bababa sa kalahati nito ay para sa maliliit na mangingisda.

Ibig sabihin, hindi bababa sa 2.5% ng kabuuang loanable funds ng bangko ang mapupunta sa fisheries at aquaculture, at hindi bababa sa 1.25% para sa maliliit na mangingisda.

Binigyang-diin ni Pangilinan na hindi lang kabuhayan ang pinag-uusapan kundi pati food security ng bansa. “Kapag hindi natutulungang makautang ang mga mangingisda para magkaroon sila ng kapasidad na makahuli ng mas madami, apektado ang supply ng isda. At kapag ganyan ang nangyayari, tataas na naman ang presyo sa merkado at mas kakaunti na naman ang kakayaning bilhin ng ating mga mamimili,” aniya.

Idinagdag niya na dapat gamitin ang credit para makapag-invest ang mga mangingisda sa mas magandang kagamitan, pag-aayos ng bangka, post-harvest facilities, cold storage, aquaculture, at iba pang pangkabuhayan na makakadagdag sa produksyon at kita.

“Para maging food-secure ang Pilipinas, kailangang palakasin natin ang mga taong mismong gumagawa at nagbibigay ng pagkain—ang mga magsasaka at mga mangingisda. Kapag sila ay may sapat na suporta mula sa gobyerno, tiyak na kaya nilang paramihin ang kanilang mga huli at palakasin ang ating food supply,” sabi pa ng senador. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here