Home SPORTS Yulo brothers mag-eensayo sa France

Yulo brothers mag-eensayo sa France

1
0

MANILA, Philippines – Umalis ang magkapatid na sina Carlos at Eldrew Yulo noong Martes papuntang France upang magsanay para sa pagsabak sa 54th Artistic Gymnastics World Championships sa Rotterdam, Netherlands.

Nagmula ang Yulo brothers sa matagumpay na Asian Games kung saan nag-uwi si Caloy ng dalawang gintong medalya sa floor exercise at vault, at si Eldrew ay nakakuha ng isang bronze sa parallel bars.

“Sasabak po kami sa training camp sa France and then World Championships po sa October 17,” sabi ni Eldrew.

Para sa world, si Carlos ang nagtatanggol na kampeon sa vault, at kumuha ng bronze sa Jakarta.

“I’m going to do my best to show up. Hindi naman po ako nag-eexpect ng anything sa world championship,” sabi ni Caloy, isang three-time world champion. “Gusto ko lang makita ‘yung mga competitiors and paano ‘yung ikot sa world championships.”

Si Eldrew ay gumagawa ng kanyang seniors World Championship debut. Nagkaroon siya ng bronze medals sa floor at high bar noong junior worlds noong nakaraang taon sa Manila.

“I’m not expecting anything na magkaroon ako ng podium finish but I want to expect the best from me. Gusto ko mabigay ang best ko. Gusto ko malinis ‘yung routine ko. Gusto ko maging safe kaming lahat ng maglalaro. Gusto ko mag-enjoy kaming lahat,” ani Eldrew.

Habang tatarget siya para sa isang medalya, sinabi ni Caloy na ang World Championships sa susunod na taon ang pinakamahalagang maging qualifier para sa 2028 Los Angeles Olympics.

“Pinaka-importante ‘yung next year ‘yung world championships kasi ‘yun po ‘yung qualification for Olympics. This time, ma-feel ko lang ‘yung rotation ng world championships, and praying na maging safe lahat ng routines and preparation papuntang Netherlands,” ani Caloy.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here