Home NATIONWIDE Mga manggagawa, kasambahay sa Eastern Visayas may dagdag-sahod simula Disyembre

Mga manggagawa, kasambahay sa Eastern Visayas may dagdag-sahod simula Disyembre

422
0

MANILA, Philippines – Asahan ang dagdag-sahod sa mga empleyado sa Eastern Visayas kabilang ang mga kasambahay sa susunod na buwan kasunod ng paglalabas ng updated Wage Orders ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB), inanunsyo ng Department of Labor and Employment (DOLE) nitong Sabado, Nobyembre 22.

Sa ilalim ng Wage Order RB VIII-25, ang mga private sector workers ay makatatanggap ng P35 na increase at ipatutupad sa dalawang tranch.

Ang unang tranch ay nagkakahalaga ng P17 na magsisimula sa Disyembre 8 at ang nalalabing P18 ay magsisimula sa Hunyo 1, 2026.

Sa oras na maipatupad, ang bagong arawang minimum wage ay magiging P470 para sa non-agriculture at service/retail establishments na may mahigit 10 manggagawa mula sa dating P435.

Para naman sa service at retail establishments na may isa hanggang 10 manggagawa, cottage at handicraft sectors, at agrikultura, ang bagong rate ay tataas sa P440 mula sa dating P405.

Sakop ng adjustment ang mga lungsod ng Calbayog, Catbalogan, Baybay, Borongan, Maasin, Ormoc, at Tacloban, maging sa mga probinsya ng Biliran, Eastern Samar, Leyte, Northern Samar, Southern Leyte, at Samar.

Samantala, ang mga kasambahay ay makararanas din ng salary increase sa ilalim ng Wage Order VIII-DW-06.

Ang mga kasambahay sa mga chartered cities at first-class municipalities ay tatanggap ng karagdagang P400, na magpapataas sa kanilang buwanang sahod sa P6,400.

Ang mga nasa ibang munisipalidad naman ay makakakuha ng P300 increase na magpapataas sa minimum wage na PHP5,800.

Ipatutupad sa Disyembre 8 ang wage hike sa domestic workers. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here