Home NATIONWIDE Faith tourism ipakikilala sa Laguna, magpapaunlad sa lokal na ekonomiya

Faith tourism ipakikilala sa Laguna, magpapaunlad sa lokal na ekonomiya

255
0

MANILA, Philippines — Pormal nang binuksan ng Laguna ang pintuan nito para sa faith-based travelers sa paglulunsad ng Laguna Pilgrimage Tourism Program nitong Sabado sa National Shrine of San Antonio de Padua sa Pila, tahanan ng patron saint ng mga nawawalang bagay.

Layon ng programa na kilalanin ang Laguna bilang pangunahing pilgrimage destination sa pamamagitan ng pagpapakita ng mayamang pamanang kultura, makasaysayang simbahan, at mga espiritwal na landmark sa lalawigan.

“Marami tayong kuwentong mahuhugot mula sa ating mga lokal na tradisyon at debosyon,” ayon kay Gov. Sol Aragones, na nagsabing ang kanyang karanasan bilang TV reporter ay lalong nagpatibay sa paniniwala sa kapangyarihan ng storytelling.

Bukod sa pagpapakilala ng mga religious sites, layunin din ng inisyatiba na palakasin ang lokal na ekonomiya sa pamamagitan ng pagtulong sa mga produkto at negosyo ng iba’t ibang bayan at lungsod, na nagbibigay naman ng kabuhayan sa tourism workers at MSMEs.

Ipinakita sa isang video presentation ang iba’t ibang simbahan at tradisyong panrelihiyon sa Laguna, na nagbigay sa mga kalahok ng sulyap sa mga lokal na debosyon at kasaysayan.

Samantala, nagpahayag ng buong suporta ang mga tour operator, tourism officers at lokal na pinuno sa programa, na nakikitang may malaking potensyal para pasiglahin ang ekonomiya at palakasin ang partisipasyon ng komunidad sa pagtanggap ng mga deboto at bisita.

Magdaraos naman ang Laguna Tourism, Culture, Arts and Trade Office ng seminar-workshop para sa tourism officers mula sa 24 munisipalidad at anim na lungsod sa Nobyembre 24–26 upang buuin ang framework ng programa. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here