Bulacan – Patay ang isang lalaki na umanoy napagkamalang magnanakaw ng isang lasing na construction worker sa Brgy. Pagala, Baliwag City nitong gabi ng Nobyembre 24.
Sa ulat ni PLTCOL Jayson San Pedro, hepe ng Baliwag police station, kinilala ang suspek na si alyas Joshua, 24, residente ng Puerto Galera at kasalukuyang nagtatrabaho sa isang subdivision sa naturang lungsod habang ang biktima ay isang lalaking 38 anyos.
Ayon sa ulat ng Baliwag police station, naganap ang insidente bandang 11:41 ng gabi sa Brgy. Pagala.
Nabatid na sa sobrang kalasingan ng suspek ay kumatok ito sa isang bahay at nang pagbuksan ng biktima ay biglang inundayan ito ng saksak na kanyang agarang ikinamatay.
Nang makarating sa pulisya ang nangyari ay agad nagsagawa ng hot pursuit operation sa nasabing lugar kaya naaresto kalaunan ang umanoy lasing na suspek
Sinasabing sa sobrang lakas ng tama ng alak inakala ng suspek na siya ay nasa kanilang bahay at ang biktima ay isang manloloob kaya umano niya ito pinagsasaksak, ayon na rin sa report
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang tunay na motibo sa krimen habang nahaharap sa kasong murder ang suspek na nasa kostudiya ng nasabing istasyon. Dick Mirasol III