MANILA, Philippines – Isang habulan ang naganap sa pagitan ng mga pulis at riding in tandem na tumakas sa isang checkpoint ng pulisya sa Brgy. Biwas Tanza, Cavite.
Ayon sa report, tinangka pang sagasaan ng mga suspek ang isang pulis na nagtangkang harangin ang mga ito hanggang sa sumalpok ang mga ito sa Police Mobile na kasama sa habulan dahilan upang maaresto ang mga suspek.
Kinilala ang sugatang mga suspek na sina alyas Jhazer, 21 anyos ng Brgy Bagbag 1 Rosario, driver at angkas nito na si alyas Boy.
Batay sa imbestigasyon, dakong alas 4:30 ng madaling araw nang maganap ang insidente kung saan kasalukuyang nagsasagawa ng OplanSita/ Checkpoint sa Amaya Junction, Brgy. Amaya I ang Tanza police na sina Police Corporal Ronald Perea, Patrolman Jhune Michael Hernandez at a Police Sergeant Ybes Luyun, nang maispatan ang isang motor na Yamaha Mio Soul Sporty na kulay puti sakay ang dalawang lalaki.
Subalit sa halip na huminto ito sa checkpoint, pinaharurot ng mga ito ang minamanehong motor at tinangka pang sagasaan ang isang pulis na nagtangkang pigilan ang mga ito.
Nagkaroon ng habulan hanggang sa sinalpok pa nito ang Police Mobile na nagtangkang humarang sa mga ito dahilan upang maaresto ang mga suspek.
Sa pagsisiyasat ng pulisya sa motor ng mga suspek, narekober dito ang 1 caliber .38 revolver na walang serial number.
Hanggang sa kasalukuyan ay ginagamot pa sa pagamutan ang dalawang suspek na nahaharap sa patong-patong na kaso. MARGIE BAUTISTA